Muling pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na pairalin ang konsepto ng Bayanihan, malasakit, at pakikipagkapwa-tao ngayong panahon ng krisis na dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ito ay dahil sa mga reklamo na natanggap ng Ahensya sa hindi pagsama sa mga kababayan nating walang permanenteng tirahan o mga homeless families sa opisyal na listahan ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) – Emergency Subsidy Progam (ESP).
Batay sa umiiral na panuntunan ng DSWD sa implementasyon ng SAP, kabilang ang mga homeless families sa mga kategorya na prayoridad mabigyan ng ayuda ng Ahensya dahil sa maatas na peligro na maaaring maidulot sa kanila ng kasalukuyang krisis pangkalusugan.
Bukod sa prayoridad na mabigyan ng pinansyal na tulong, hinihikayat din ng DSWD na bigyan ng pansin ng mga local government units (LGUs) ang kapakanan ng mga homeless families sa pamamagitan ng pamamahagi ng food assistance at pagsama sa kanila sa mga social protection programs ng lokal na pamahalaan.
Batid din ng DSWD na lahat ay apektado ng krisis ngunit mayroon pa ring mga bulnerableng sektor na mas malaki ang pangangailangan na dapat ay agad na matulungan at kabilang dito ang mga kababayan nating nakatira sa lansangan. Sila ang binibigyan ng prayoridad ng pamahalaan sa implementasyon ng SAP-ESP.
Samantala, dahil sa pakikipagtulungan ng DSWD at ng mga LGUs, umabot na sa higit P85.3 bilyon ang naipamahaging subsidiya sa higit 15.3 milyon na benepisyaryo ng SAP, batay sa May 9 na ulat.
Taos puso ring nagpapasalamat ang DSWD sa lahat ng mga kawani, pribadong sektor, LGUs, at national government agencies (NGAs) na sama-samang nagtutulungan upang mabigyan ng tulong ang lahat ng mga nangangailangang Pilipino na apektado ng COVID-19.
Sa huli, patuloy na paiigtingin ng DSWD at mga LGUs ang pamamahagi ng ayuda upang masiguro na mabibigyan lahat ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng SAP. ###