Muling kinikilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mabilis na pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP) ng mga local government units (LGU) sa tatlong rehiyon.
Base sa talaan ng mga datos ng SAP report noong ika-8 ng Mayo, mahigit siyamnapu’t tatlong porsyento (93%) ng mga LGUs na nasasakupan ng mga rehiyon ng Caraga, Bicol, at Cordillera Administrative Region (CAR) ay nakatapos na ng pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo ng emergency subsidy program (ESP) sa kanilang mga lugar. Naitala ang mga sumusunod na datos: Caraga, 100%; Bicol 99.79%; at CAR, 93.92%.
Naging epektibong mekanismo sa mabilis na pamamahagi ang maayos na pagpaplano at koordinasyon ng mga LGUs sa DSWD Field Offices. Bukod sa ipinatupad na magkakasabay na iskedyul ng payouts sa kanilang mga nasasakupang barangay, sinigurado rin ng mga opisyal ng barangay ang pagkakaroon ng maayos na pamamahagi sa pamamagitan ng pagtatakda ng iskedyul at oras ng pagdating ng mga tatanggap ng ayuda. Upang matiyak na nasusunod ang social distancing, ang mga upuan ay inihanda at isinaayos nang may angkop na agwat sa bawat isa.
Sa hanay naman ng mga namamahagi ng ayuda, tiniyak ng mga LGUs na sapat ang mga payment officers sa lugar ng mga payouts. Gayundin, ang halagang iaabot sa mga benepisyaryong tatanggap ay naihanda na, kung kaya mas naging mabilis ang pamamahaging isinagawa. Paglapit ng benepisyaryo ay muli lamang niya itong bibilangin nang mabilisan upang matiyak na sapat ang halagang matatanggap, matapos ay papipirmahin sa listahan bilang katunayan na natanggap na ang ayuda. Naging kasanayan naman sa ibang lugar ang pagkuha ng litrato sa mga benepisyaryo habang tinatanggap ang kanilang ayuda.
Malaking bahagi rin ang ginampanan ng mga barangay tanods at local security officers sa isinagawang payouts, upang masigurado ang kaayusan at kapayapaan sa kani-kanilang mga lugar.
Bukod sa mga nabanggit na lugar, kinikilala rin ang LGU ng Pasig City sa paglulunsad nito ng supplemental SAP na kasalukuyang ipinagkakaloob sa humigit kumulang 160,000 pamilya na hindi napasama sa listahan ng mga nakatanggap ng ayuda ng SAP.
Ang iba pang mga datos at impormasyon tungkol sa pamamahagi ng SAP ay makikita sa SAP Monitoring Dashboard for Emergency Subsidy under AICS. Mangyaring bisitahin ang Official Website ng DSWD para ma-access ang nabanggit na dashboard. ###