Pundasyon ng kaunlaran ang edukasyon. Ang halaga nito’y kailanman ay hindi matutumbasan. Ito ang tanging kayamanan na pamana ng magulang sa kanyang anak. Ngunit, sadyang may mga balakid na sadyang sumusukat sa katatagan at sumusubok sa pagsisikap ng mga taong gustong mag-aral.
Kadalasang balakid sa pag-aaral ay ang kakulangan ng pantustos ng mga magulang sa lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak. Ang mga harang na ito’y tila madaling mahawi para sa mga taong patuloy na tinatahak ang piniling daan kahit na maraming unos at bagyo ang kanilang madadaanan. Sila ang nagsisilbing representasyon na walang imposible na bagay sa mundo. Lahat ay posible.
Pangatlo sa pitong magkakapatid si Alejandrino Yator Jr. o Jun kung tawagin sa kanyang pamilya’t kaibigan. Maagang namulat sa kahirapan ng buhay. Ang kanilang pamilya ay larawan ng isang tipikal na uri ng pamilya sa lipunan na tanging ang bumubuhay ay ang padre de pamilya.
Nagsasaka ang kanyang ama sa lupaing hindi naman sa kanila. Ito ang pinagkukunan nila ng ikabubuhay para lamang makatawid sa pang-araw-araw na pangangailangan. Salat man sa karangyaan, hindi ito nagpapahina sa kalooban ng kanilang mga magulang na papag-aralin at supurtahan ang kanilang mga anak.
Nasa elementarya pa lamang si Jun nang natutong magtanim ng palay. Lahat silang magkakapatid ay katuwang ng kanilang ama sa pagsasaka. Kailangan nilang magtutulungan upang magapi ang lakas ng kahirapan. Naging playground niya ang sakahan. Ang mga palay at kuhol, ang kanyang naging mga laruan at kalaro.
Nag-aaral siya sa Labo National High School noon nang sinubok ng kapalaran ang kanilang pamilya. Talagang kulang para sa kanilang pagkain ang kita ng kanilang ama kaya napilitan siyang huminto sa pag-aaral. Gustuhin man niyang tapusin ang haiskul ngunit kailangan muna niyang unahin ang kumakalam nilang sikmura. Dahil sa hirap ng buhay, dalawang beses siyang huminto sa pag-aaral. Umabot sa anim na taon ang kanyang ginugol para lamang makapagtapos ng haiskul.
Pagkatapos niyang makuha ang diploma sa haiskul, isinantabi muna niya ang kanyang mga pangarap. Pamilya ang kanyang inuuna. “Mas pinili kong magtanim ng palay kaysa mag- aral. Buong araw akong nakabilad sa ilalim ng kapangyarihan ni haring araw, sa pagtulo ng aking pawis kasabay din ang pagtulo ng aking mga luha. Walang araw na dumaan na hindi ko sinasabi sa sarili ko na hindi ako tatandang ganito”
Sa oras ng pamamahinga, palaging sumagi sa kanyang isip ang natutulog niyang pangarap. Tinitimbang kung hahayaan na lamang matulog habambuhay o kailangan na niya itong pukawin. Buong lakas siyang nagpasyang gumising mula sa mahabang pagkahimbing. Bitbit ang lakas ng loob at determinasyon, iniwan niya ang buhay pagsasaka.
Batid niyang hindi maging madali ang daan patungo sa kanyang pangarap. Mga daan na katulad ng karamihang kalsada sa Pilipinas, maraming lubak-lubak at liko ngunit may mahaba pa rin at matuwid na pwedeng pagpipilian.
Nagsisimula siyang mag-ipon upang maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Namasukan siya bilang isang taga- hugas ng sasakyan sa Route 88 Auto Spa. Tumagal siya ng isang taon sa pagtatrabaho doon hanggang sa nakilala niya ang isang Pari ng simbahang katoliko- si Fr. Sandy Cometa. Hinikayat siya nito na pumasok sa Seminaryo.
“Pahirapan daw ang buhay bilang isang Seminarista. Kailangan mong sundin lahat ng batas ng Seminaryo para hindi ka matanggal”. Sa Semnaryo siya nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa pribadong paaralan ng La Salle University. Minabuti niyang manirahan at mananatili dito kahit nahihirapan dahil nakikita niyang mas okey sa seminary kaysa nasa palayan siya,- maghapong nakayuko at maililibing nalang sa limot ang kanyang pangarap.
Tumagal ng apat na taon ang paninirahan niya sa seminary. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, pinalabas siya ng mga pari. Walang paliwanag, walang paglilinaw. Basta na lamang siyang pinauwi sa kanila. Nakaramdam siya ng pagkabahala para sa kanyang pangarap. Naitanong niya sa kanyan sarili, Paano nalang ang mga pangarap ko? Babalik na naman ba ako sa pagtatanim ng palay?
Hindi niya sinukuan ang kanyang pangarap. Naging magulo man ito ng mga pangyayari ngunit hindi ito nakapagpatinag sa kanyang hangarin na maabot ang nag-iisang mithi ng buhay bagkus lalong nagpapatibay ito sa kanyang pagkatao.
Miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’S ang pamilya ni Alejandro kaya ni refer namin siya sa aming partner na Pribadong Ahensiya (Jolly Management Solutions).
Nakapasok siya bilang service crew sa Jollibe Ozamiz. Minamabuti niyang ipagpatuloy ang pag-aaral. Pinagsabay ang pag-aaral at trabaho. Ang kikitain niya dito ay para sa kanyang pag-aaral. Napakahirap! Puyat, pagod, galit mula sa boss, pagmumura mula sa mga customer,Lahat nang iyan ay buong puso niyang tiniis at hinarap. Tanging ang bumubuhay lamang sa kanya ay ang matinding damdamin na makatapos sa kolehiyo. Lahat ng disesyon, pokus ay para lamang sa pangarap. Hanggang sa natapos niya ang kursong Bachelor of Arts in Philosophy sa isang kilalang unibersidad ng Ozamiz.
Ngayon, isa na siyang ganap na guro at kasalukuyang nagtuturo sa Northwestern Mindanao State College of Science and Technology sa syudad ng Tangub.
Ang mga karanasan niya sa buhay ang humuhubog sa kanyang buhay ngayon. Itinuturing na lamang niya itong sahog na nagpadagdag sa lasa ng niluluto niyang buhay. Isa lang ang nais niyang iparting sa kanyang kwento, ang ibahaging huwag sukuan ang pangarap dahil kung magkaganoon ikaw ang talo.
Kwento at retrato mula ni Mark Mangubat, Project Development Officer II